Conferment of Doctor of Laws, honoris causa by Bulacan State University.
Labis po ang kagalakan ko na makapiling kayong lahat sa araw na ito. Itinuturing kong isang malaking karangalan ang gawaran ako ng doctoral degree of law ng Bulacan State University. Kaya’t lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng mga kinauukulan, lalong lalo na kay Dr. Rosario P. Pimentel, ang pangulo ng pamantasan, at kay Justice Jose C. dela Rama, ang dekano ng College of Law.
Ang pagtitipon nating ito ay isang magandang pagkakataon para makadaupang palad ko ang mga Bulakeño. Bagaman hindi ninyo naitatanong, tumira po ako ng limang taon sa Valenzuela nuong ito’y parte pa ng Polo, Bulacan, samantalang ako’y nag-aaral ng batas sa Far Eastern University. At marahil dahil sa mabangong simoy ng hangin ng Bulacan kaya ako’y nagtagumpay sa aking pag-aaral. Bukod dito, malapit po ang puso ko sa mga nag-aaral ng batas. Kamakailan lamang, ako’y nagtungo sa Siliman University sa Dumaguete City at sa Angeles University Foundation sa Pampanga upang magsalita din at makisalamuha sa mga mag-aaral doon.
Mga Adhikaing para sa Hudikatura at Abugasiya
Nang ako’y nahirang bilang Punong Mahistrado ng Pilipinas nuong ika-21 ng Disyembre 2005 ay daglian kong ipinangako na aking pangungunahan ang isang hudikatura na makikilala sa apat na Ins: independence, integrity, industry, intelligence; sa ating wika, apat na ka: kasarinlan, katapatan, kasipagan, katalinuhan.
Upang matupad and adhikaing ito, aking minabuti na dapat ipagpatuloy at palakasin ang “Action Program for Judicial Reform (APJR)” ng Kataastaasang Hukuman. Sa ilalim ng aking panunungkulan, apat na suliranin na sumisira sa katarungan ang aking pinag-ukulan ng pansin. Ang mga suliraning ito ay tinawag kong ACID sa wikang Ingles: (1) limited access to justice especially by the poor; (2) corruption; (3) incompetence; and (4) delay in the delivery of quality judgments.
Para naman sa propesyon ng mga manananggol (o legal profession), ninais ko ay isang abugasiya na may pananagutan, maaasahan, at may mataas na moralidad. We need competent and ethical lawyers. Itong propesyong ito’y dapat mahigpit na panghawakan ang katotohanan at katarungan nang higit sa anu pa man. Sa mga hanay na ito manggagaling at lilitaw ang mga abogadong may tapat at malinis na budhi.
Sa dalawampu’t anim na libong (26,000) pamunuan at kawani ng mga hukuman sa buong bansa, hiniling ko ang tatlong bagay na ang tawag ko sa Ingles ay DHL: dedication to duty, honesty in every way, and loyalty to the court.
Ganoon pa man, dagli at madalas kong sabihin na ang mga adhikaing ito ay hindi mga pangwakas na layunin, kundi mga paraan lamang upang maabot ang dalawang mas mataas na tunguhin: (1) ang pagsasanggalang ng kalayaan at (2) ang pagpapayabong sa kasaganaan ng ating mga mamamayan. Sa wikang Ingles: I believe that all these aspirations: the four Ins; the fight against the ACID problems of the judiciary; the need for competent and ethical lawyers; and the desired DHL of judicial officials and employees should all lead to two loftier goals: (1) the safeguarding of the liberty and (2) the nurturing of the prosperity of our people. Indeed, liberty and prosperity under the rule of law constitute my core judicial philosophy.
Pandaigdigang Pagsisikap para Mabawasan ang Kahirapan*
Pormal na ipinahayag ko ang aking adhikain at pilosopiya na “Liberty and Prosperity Under the Rule of Law” noong Disyembre 2005. Sa buwan ding iyon, nabalita sa buong mundo ang masusing pagtutok sa kahirapan at mga karamdaman ng sangkatauhan ng bilyonaryong mag-asawang Bill at Melinda Gates. Upang makatulong sa mahihirap at maysakit, ginugol nila ang panahon at pera ng Gates Foundation, ang pinakamalaking pribadong institusyong pang-kawanggawa na may kaloob na ari-arian (endowment) na nagkakahalaga ng dalawampu’t siyam na bilyong dolyares nang panahong iyon (higit na mas malaki ang halaga ngayon).
Sa kasalukuyan, ang malakihang pagpupunyagi na mabawasan ang kahirapan ay lumalaganap sa mga pinakamayamang tao sa buong mundo. Kamakailan lamang, ang bilyonaryo at pangunahing mamumuhunan na si Warren Buffett ay nagbigay, bilang tulong sa Gates Foundation, ng tatlumpung bilyong dolyares. Ang halagang ito ay katumbas ng mahigit sa isa at kalahating trilyong piso, o mahigit nang isa at kalahating beses ng ating panukalang pambansang gugulin para sa taong 2007. This incredible sum of 30 billion dollars donated by Mr. Buffet is about one and a half times bigger than our national budget for the year 2007.
Pambansang Pagsisikap Laban sa Kahirapan*
Dito naman sa Pilipinas, ang Philippine Business for Social Progress (PBSP) ay isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng mga pagsisikap para maibsan ang kahirapan. Sa panguguna ng PBSP, ang mga pribadong kayamanan (_private wealth_) ay nagagamit para sa layuning ito.
Ngayon, ang mga malalaking kalipunan ng negosyo ay bumubuo na rin ng kanilang sariling mapagkawanggawang foundation para sa pagtataguyod ng edukasyon, kabuhayan, at iba pang mga larangang panlipunan. Layunin ng mga itong mabawasan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapangyarihan sa mga mamamayan para matulungan ang kanilang mga sarili.
Kamakailan lamang ay ipinahayag ng taipan na si John Gokongwei na ipinagkaloob niya sa Gokongwei Brothers Foundation ang sampung bilyong piso. Ang halagang ito ay kumakatawan sa lahat ng kanyang personal na ari-arian sa kumpanyang J.G. Summit Holdings.
Ang Foundation naman ay dagliang nagbigay ng halagang limampung milyong piso sa Unibersidad ng San Carlos. Ang pagbibigay ng halagang sampung bilyon bilang endowment o kaloob na ari-arian ay isa sa mga pinakamalaki sa kasaysayan ng Pilipinas. Binigay ito ni G. Gokongwei nang kanyang ipinagdiwang ang kanyang ika-walumpung karawan ngayong taong ito.
Kapansin-pansin din ang mga pagkakawanggawa sa edukasyon, pabahay, panggagamot at paglilingkod na panlipunan ng iba pang mga Pilipino. Kabilang sa pagsusumikap na ito ang mga kalipunang pangnegosyo tulad ng Ayala, San Miguel, YGC, Metrobank at PLDT; gayon din ang mga taipan na sina Lucio Tan, Henry Sy at Emilio Yap.
Kabilang din at hindi dapat kalimutan ang mga tanyag na foundation ng media na nagsisikap makapaglingkod sa kapwa, tulad ng Bantay Bata ng ABS-CBN at Kapuso ng GMA 7. Nandiyan din ang makamahirap na programa ng mga grupo ng relihiyon tulad ng Catholic Charities at Pondo ng Pinoy. Dapat ding banggitin ang kahanga-hangang mga gawain ng Gawad Kalinga sa pangunguna ni Francisco Padilla at Antonio Meloto, na kamakailan lamang ay tumanggap ng pagkilala o award mula sa Ramon Magsaysay Foundation.
Katarungan at Kasaganaan*
Marahil, itatanong ninyo kung ano ang kinalaman ng hudikatura sa mga malalaking gawaing pantao at mga higanteng donasyong nabanggit ko.
Ang tugon ay matatagpuan sa mga adhikain ng mga pangunahing institusyong pandaigdig para sa pag-unlad at pagsulong ng sanlibutan, tulad ng United Nations Development Program (UNDP), World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB). Ang mga institusyong ito ay nagkakaisa sa kanilang paniniwalang maiibsan ang kahirapan at mapapaunlad ang kabuhayan kung magkakaroon ng mahusay at maayos na sistema ng hudikatura. Ang mga korte ang magbibigay kakayahan sa estado upang pamahalaan nang maayos ang ekonomiya. Ang matinong hustisya rin ang magbibigay kapangyarihan sa mga pribadong mamamayan na tumulong sa pagpapalago ng kabuhayan. Kung matino ang pagbibigay-katarungan, buong tiwala silang papasok sa negosyo, pamumuhunan at iba pang mga transaksyong pangkaunlaran.
Samakatuwid, bilang isang pagsusuma, dapat pagtuunan ng pansin at pag-ibayuhin ang pagsisikap ng hudikatura, hindi lamang para maipagtanggol ang kalayaan laban sa takot (o freedom from fear), kundi pati na ang kalayaan laban sa kakulangan (o freedom from want). Pinatitibay ng magkakaugnay na mga pamantayan ito ang pagsulong ng katarungan para sa Kalayaan at Kasaganaan (o Liberty and Prosperity) na siyang tunay na nakapaloob sa mga hatol ng ating Kataastaasang Hukuman.
Kalayaan at Kasaganaan Bilang Patakaran ng Hukuman
Sa katunayan, ako’y naniniwala na sa mahigit na sampung taong nagdaan, ang mga hatol ng ating mga hukuman ay hitit sa mga halimbawa na nagpapakita ng magkakambal na patakarang Kalayaan at Kasaganaan.
Payagan ninyong isaad ko ang mga patakarang ito:
Una, sa usaping may kinalaman sa kalayaan, ang timbangan ng katarungan ay dapat may pabigat laban sa pamahalaan at pabor sa mga dukha, sa mga naaapi, sa mga kapos-palad, at sa mga mahihina. In controversies involving liberty, the scales of justice must weigh heavily against the government in favor of the people, especially the poor, the oppressed, the marginalized and the weak.
Dahil dito, ang mga batas at mga gawain ng pamahalaan na sumisikil sa mga pangunahing karapatan ng mamamayan ay nagdaraan sa mas masusing pagsubok sa ating mga hukuman upang masigurong ang mga ito’y walang kalabisan o di kaya’y paglabag sa ating Saligang Batas. [1]
Pangalawa, sa mga usaping may kinalaman sa kaunlaran at kasaganaan, pitagan at paggalang ang ibinigay ng mga husgado sa mga sangay ng pamahalaan na may kinalaman sa pamamahala, tulad ng Panguluhan at ng Kongreso.On the other hand, in cases involving development or the economy, deference must be accorded to the political branches of government; namely, the Presidency and Congress.
Sa mga usaping ito tungkol sa kaunlaran, batid ng hukuman na dapat bigyan ang Ehekutibo at Kongreso ng sapat na kalayaan para balangkasin at tuntunin ang landas tungo sa kasaganaan nang naaayon sa ating Saligan at iba pang mga batas.
Mahigpit na Pagsusuri
Noong nakaraang Abril at Mayo nang taong ito, ang Kataastaasang Hukuman ay nagpalabas ng tatlong napakamahalagang Desisyon (1) tungkol sa karapatan ng Kongreso na utusang humarap sa imbestigasyon ang mga opisyal ng Ehekutibo alinsunod sa kapangyarihan nitong magbalangkas at magpasa ng batas at sa karapatan ng mga mamamayan na makakuha ng impormasyon tungkol sa mga bagay na mayroong interes ang madla; [2] (2) tungkol sa karapatan ng mamamayang magsagawa ng mapayapang pagtitipon upang maihanap ng lunas ang kanilang mga karaingan; [3] at (3) tungkol sa karapatan ng mga mamamayan sa ilalim ng pambansang kagipitan (o state of emergency). [4] Sa lahat ng mga usaping nabanggit, itinaas at kinilala ng Kataastaasang Hukuman ang kahalagahan at pangingibabaw ng mga kalayaang sibil laban sa mga gawain ng gobyerno.
Pagpipitagan at Paggalang
Sa kabilang banda, sa loob ng nakalipas na sampung taon, pagpipitagan at paggalang na pakikitungo ang binigay ng Kataastaasang Hukuman sa mga patakarang pangkabuhayan ng pamahalaan.
Sa Tañada v. Angara, [5] umayon ang Kataastaasang Hukuman sa kapasyahan ng Senado na pagtibayin angWorld Trade Organization (WTO) Agreement. Sa Desisyong aking isinulat, sinabi ng Hukuman na totoong may ilang miyembro ng Korte Suprema na naniniwalang mas makaiinam sa kapakanan ng sambayanan na ipawalang bisa ang Kapasyahan ng Senado na sumasang-ayon sa WTO. Ganoon pa man, hindi ito isang legal na katwirang maaaring gawing batayan para ipawalang saysay ang kapasyahan ng Senado at ipagpalagay na ito ay lubhang nagmalabis sa pagpapasya (o nagkaroon ng grave abuse of discretion). Kung nagpasya nang ganito ang Hukuman, ito naman ang masasabing lubhang nagmamalabis sa paggamit ng angking kapangyarihan at katungkulan.
Akin pang idinagdag sa Desisyon, na labas sa kapangyarihan ng Hukuman ang mag-usisa o magrepaso sa mga gawain ng Senado kung ang layunin ay alamin kung ang paggamit nitong kapangyarihang magpasya ay naging wasto at matalino, kapaki-pakinabang, o makatutulong sa ikabubuhay. Ang mga bagay na ito ay inilaan ng Saligan sa kapangyarihan ng bayan at hindi sa mga huwes. Ang pagpapasya kung dapat ngang makilahok ang Pilipinas sa pandaigdigang kalakalan tungo sa liberalisasyon at globalisasyong ng pangangalakal ay isang bagay na dapat pagpasyahan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng paghalal nila nga mga taong bubuo ng ating mga patakaran.
Ang patakarang hindi pakikialam ng hukuman sa mga suliraning pangkabuhayan ay inulit sa La Bugal-B’laan Tribal Association v. Ramos. [6] Sa kasong ito, pinagtibay ang pagsang-ayon sa Konstitusyon ng Batas sa Pagmimina (o Mining Law) na nagpapahintulot ng isandaang porsyentong (_100 percent_) pamumuhunan ng dayuhan sa malawakang pagmimina. Sinabi ng Hukuman na ang Saligang Batas ay dapat malawak ang pananaw at nakakapagbigay-buhay. Hindi ito dapat gamitin upang masakal ang pagsulong ng kabuhayan o para sa kapakinabangan ng iilan lamang. Sa halip, dapat itong bigyan ng kahulugang makapagbibigay sa Pangulo at Kongreso ng sapat na batayan ng pagpapasya at makatwirang pamamaraan para maka-akit ng mga mamumuhunan at para matamo ng ating mga mamamayan ang biyaya ng kasaganaan at kapayapaan. [7]
Kahit hindi nakikialam ang Hukuman sa mga patakarang pangkabuhayan, hindi ito nangangahulugan na tatalikuran ng mga ito ang kanilang tungkulin na alisin (1) ang mga malubhang pagmamalabis ng mga mambabatas at mga namamahala kung ang mga ito at maliwanag na lumalabag sa Saligang Batas, mga batas, o mga hatol ng hukuman; o (2) ang mga gawain at kautusan na hindi makatwiran, bunga ng sumpong, kapritso, o personal na pagkiling o pagsalungat na nag-uugat sa galit o poot.
Pagtatapos
Sa pagtatapos, sana po ay naibahagi ko sa inyo nang lubusan ang mga adhikain at patakarang ninanais kong makamit ng ating mga hukuman. Alam kong di ko makikita nang buo ang katuparan ng mga saloobin kong ito, subali’t ako’y lubos na nananalig na ang binhi ay naitanim ko na at di maglalaon ay makikita nating mamumukadkad at mamumunga ito tungo sa ating minimithing kalayaan at kasaganaan. Sa pamamagitan ng ating pagdadaupang palad at pagtitipon ngayon, sana’y tulungan ninyo akong palaganapin sa buong bayan at sa buong mundo, ang bagong ebanghelyo ng KALAYAAN at KASAGANAAN.
Maraming maraming salamat po!
__________
Talumpati ni Kgg. Punong Mahistrado Artemio V. Panganiban pagkatapos siyang gawaran ng Bulacan State University ng Doctor of Laws, honoris causa, noong ika-16 ng Nobyembre 2006.
[1] Sa ABS-CBN Broadcasting Corporation v. Commission on Elections (380 Phil. 780, January 28, 2000, sinulat ni Panganiban, J.), ang pagbabawal ng Comelec sa tinatawag na election exit polls ay pinawalang bisa ng Korte Suprema. Ayon sa Korte, ang pagdaraos ng exit polls at pagpapalaganap ng mga resulta nito sa pamamagitan ng mass media ay isang lubhang mahalaga at kinakailangang bahagi ng kalayaan sa pananalita at pamamahayag.
Mariing ipinaliwanag ng Korte na kung ang kalayaan ng isang kandidato o isang partido na magsalita at ang kalayaan ng maghahalal na makaalam ay itatapat sa mga aksyong diumano’y ginagawa upang matiyak ang malinis at malayang halalan, ang hukuman ay kikiling pabor sa kalayaan. Ang bagong antas ng pagpapasyang ito na kumikilala sa public opinion polls bilang bahagi ng kalayaan ng pagpapahayag ay muling pinagtibay ng Kataastaasang Hukuman sa Social Weather Stations v. Comelec(357 SCRA 496, 501, May 5, 2001, sinulat ni Mendoza, J.).
Ang nakababagot, mapang-api, walang katuwiran, sumpungin at pabago-bagong pagbasa ng sakdal sa akusado ay ipinagbawal naman kamakailan lamang sa Lumanlaw v. Peralta (GR No. 164963, ika-13 Pebrero 2006). Ang ganitong pagsasagawa ng arraignment ay itinuring na paglabag sa mga karapatang isinasaad sa Saligang Batas. Ayon dito, ang isang nasasakdal ay dapat bigyan ng mabilis na paglilitis at paghatol. Sa loob ng halos dalawang taon, ang akusado sa kasong ito ay nakakulong at hindi nababasahan ng sakdal sa kabila ng labing-apat na pagtatakda. Sa hatol dito, ipinagdiinan ng Korte Suprema na dahil pinangangalagaan nito ang kalayaan, lagi nitong ipagtatanggol nang sang-ayon sa Konstitusyon ang mga mahahalagang karapatan ng mga mamamayan, lalong-lalo na ng mga mahihina at kapos-palad. Dahil sa paglabag sa kanyang karapatang makamit ang mabilis na paglilitis, iniutos ng Kataastaasang Hukuman na pakawalan ang nasasakdal at ipawalang-bisa ang sakdal laban sa kanya.
[2] Sa pagpapawalang saysay sa mga mahahalagang bahagi ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 464 (E.O. No. 464), ang Hukuman — sa panulat ni Mahistrada Conchita Carpio Morales — ay nanindigan na ang Kongreso ay may karapatan na pilitin na humarap ang mga opisyales ng ehekutibo sa mga imbestigasyon ng Kongreso sapagkat ang kapangyarihan ng Kongreso na magsiyasat ay kasing lawak ng kapangyarihang gumawa ng batas.
Ayon sa Hukuman, habang ang mga imbestigasyon na nakakatulong sa paggawa ng batas (investigations in aid of legislation) ay sadyang gagawin sa harap ng madla, anumang kautusang mula sa Ehekutibo na layuning limitahan nang hindi nararapat ang pagsisiwalat ng impormasyon sa mga gayong imbestigasyon ay para na ring sinisikil ang karapatan ng mga tao sa impormasyon. Sa gayong paraan ay ipinagkakait sa mga mamamayan ang daan upang magkaroon ng kaalaman na magagamit nilang batayan para makagawa ng kanilang mga sariling opinyon sa bagay na pinaguusapan sa Kongreso — mga opinyon na maaari nilang ipabatid sa kanilang mga kinatawan at iba pang mga opisyales ng pamahalaan sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga pamamaraang naaayon sa batas na pinahihintulutan ang kalayaan ng pamamahayag.
[3] Sa ponencia na sinulat ni Mahistrado Adolfo S. Azcuna, pinahayag niya na inuulit ng Hukuman ang patakaran nitong pagtibayin ang mga pangunahing karapatan ng taong bayan, lalong lalo na ang karapatan ng pamamahayag at pagtitipon-tipon. Binanggit ng ponente na sa ilan sa aking mga talumpati bilang Punong Mahistrado ay paulit-ulit kong binigyang diin ang pangakong pagtibayin ang kalayaan ng mga mamamayan at pag-ibayuhin ang kanilang kasaganaan.
[4] Ayon sa ponente, si Mahistrada Angelina Sandoval-Gutierrez, kahit lahat ng kapangyarihan ay kailangang may limitasyon, hindi kinakailangan ang isang mahigpit na pormula. Ang paggamit ng higit na lakas ay hindi magagawang itama ang mali . Kaya ang mga hukuman ay dapat na manatiling gising at mapagbantay upang maingatan ang mga karapatan ng mga mamamayan na isinasaad sa Saligang Batas, lalo na iyong mga may kinalaman sa kanilang kalayaan. Dahil dito, sinabi niyang sadyangnapapanahon ang aking pilosopiya ng kalayaan.
[5] 338 Phil. 546, 604-605, ina-2 Mayo 1997, sinulat ni Panganiban, J.
[6] 445 SCRA 1, December 1, 2004, per Panganiban, J.
[7] Ang Hatol sa La Bugal ay inulit kamakailan lamang sa taon ding ito sa kasong Didipio Earth Savers Multi-Purpose Association v. Gozun na ang ponente ay si Mahistrada Minita Chico-Nazario.